5/09/2010

Magtulong-tulong Tayo Upang Maiwasan Ang "Overvoting"

.


Dahil sa uri ng ating Automated Election System (AES) na gumagamit ng mahabang balota kung saan nakasulat ang mga pangalan ng lahat ng mga kandidato sa iba't-ibang posisyon, napakadali ng isang botante na magkamaling sumubra ang pagboto.

Halimbawa sa pagboto ng senador, imbis na 12 lamang ang dapat piliin, dahil napakarami ang pangalan na nakasulat sa balota para senador, napakadali ng isang first-time AES voter na magkamali at makapili ng lampas 12 kandidato.

Sa local level naman, lalong mas madaling magkamali ang isang botante dahil karamihan sa kanila ay hindi alam kung ilang bilang ng konsehal ang dapat iboto sa kanilang partikular na lugar. Sinubokan ko ang aking mga kamag-anak at kaibigan sa pagboto. Sa mahigit sampong bomoto, dalawa lamang sa kanila ang hindi nag-overvote, tatlo ang nag-undervote. Kayo mismo, subokan ninyong bomoto gamit ang sample ballot para sa inyong lugar, malamang mag-overvote din kayo.

Habang may kaunting oras pa, kailangan sigurong paulit-ulit itong ipapa-alala ng mga taga-medya sa taong bayan. Serbisyo publiko nila sa kanilang mga hintilan sa telebisyon simula ngayong oras na ito hanggang bukas ng eleksyon. At sa mga voting precincts kailangan paulit-ulit din ipa-alala ng mga kinaukulan at mga volunteers ang tungkol sa bagay na ito.
Napakahalagang malaman ng taombayan ang tungkol sa over-voting dahil napakadali para sa mga first-time voters ng AES na magkamali dahil sa uri ng ating bagong sistema na napakahaba ng balota at napakarami ng mga pangalan na nakasulat.