9/09/2011

Interest of Businesses Vs. People's Welfare: Where's the Balance?

.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV

Bakit ba halos na lang lahat ng pangunahing mga pangangailangan ng taombayan ay sabayang nagsitaasan? Mula sa langis, kuryente, pagkain, mga pangunahing bilihin, pamasahe sa train, toll fee, buwis, at itong tubig. Haaay nako mga kababayan, papano na kaya mabubuhay ang karamihan sa atin ngayon? Ang bigat na nga ng krus ni Juan De la Cruz dahil hindi na nga sapat ang kinikita niya sa araw-araw para sa kanyang pamilya, e lalo pang pinapalala ang kanyang kalagayan ng mga panibagong pampabigat na namang mga bagay na ito!

Panginoon, tulongan mo po ang aming bayan na makalampas at makatawid sa mga paghihirap at mga pagdurusang ito.

Sa susunod at darating na mga panahon, lalo pa ba kayang lalala itong mahirap na kalagayan ng taombayan, o ito na ba kaya ang sukdulang resulta ng masakim na pamamalakad ng mga makapangyarihang namumuhonan na nagmamay-ari ng malalaki at pangunahing mga kalakal sa ating bansa? Ano kaya ang magagawa ng kasalukoyang pamumuno ng ating bansa kaugnay sa bagay na ito? Sabi ng ating mga namumuno hindi raw nila mapipigil ang bagong pataw na buwis sa toll fee. Sabi din nila na wala raw silang kapangyarihan na kontrolahin o mapigilan ang halos linggo-linggong pagtataas ng presyo ng langis dahil ito ay "deregulated". E, papaano na kaya ngayon ang mumunting ikinabubuhay ni mamang tsuper na tanging inaasahan niya sa araw-araw para sa kanyang pamilya?

At tungkol naman sa tubig at kuryente, ang lugi ng mga pampublikong kumpaniya na nagnenegosyo ng tubig at kuryente ay parang walang awang dagdag na ipinapapasan nila sa balikat ng taombayan sa pamamagitan ng pagtataas ng singil sa babayarin na sobra na sa dapat na makatarungan at tama lamang na babayarin.

Hindi masama sa isang pamahalaan na alagaan ang interest ng mga namumuhonan sa bansa, ngunit kailangan din na maibalanse ito sa kapakanan ng taombayan. Pero sa nangyayari ngayon, at dahil na rin sa ikinikilos ng mga namumuno sa atin, ang pakiramdam tuloy ng taombayan ay parang mas pinapaboran pa ng pamahalaan ang interest ng mga namumuhonan na siyang naging dahilan sa pagkasira ng balanse sa pagitan ng interest ng mga namumuhunan at ng kapakanan ng taombayan.

Hanggang kailan kaya makakayang tiisin itong ganitong kalagayan?